Protektahan ang iyong sarili laban sa mga scam sa imigrasyon

Mga dapat pag-ingatang scam (panlilinlang) sa imigrasyon, at paano poprotektahan ang iyong sarili laban sa mga scam na ito at pandaraya sa visa.

Kung ikaw ay nagpaplanong kumuha ng visa para makapunta sa New Zealand, mag-ingat sa mga tao na maaaring mag-scam sa iyo para nakawin ang iyong pera o magpa-sign up sa iyo sa mga trabaho na iba sa ipinangako nila.

Ang nasa ibaba ay mga scam na dapat bantayan at mga hakbang na maaari mong gawin upang protektahan ang iyong sarili laban sa mga scam o pagdaraya sa visa.

Kung ikaw ay nagtatrabaho na sa New Zealand, at sa palagay mo ay pinagsasamantalahan ka, huwag matakot humingi ng tulong sa Immigration New Zealand (INZ). Kami at ang Employment New Zealand ay maaaring makatulong sa iyo, at gumawa ng aksyon kung kailangan.

Bantayan ang mga palatandaan ng isang scam

Kapag nakakita ka ng mga palatandaang ito ng isang scam, tumigil at gumawa ng mga karagdagang pag-iingat. Magtanong at humingi ng opisyal na payo. Maaari kang makipag-usap sa amin tungkol sa iyong mga alalahanin.

Hihilinging magbayad ka para sa iyong trabaho

Mag-ingat kapag hinilingan kang magbayad ng mga kabayaran para sa iyong trabaho, kung minsan ay tinatawag na mga kabayaran para sa 'pagproseso' o 'placement' (pagpupuwesto).

Hindi ka maaaring singilin ng mga tagapag-empleyo sa New Zealand ng mga kabayaran para sa isang trabaho o pagbayarin ka ng anumang mga gastusin nila sa pag-recruit. Kabilang dito ang hindi direkta o sa pamamagitan ng ikatlong partido na sapilitang hihilingan kang magbayad sa kanila.

Kung ikaw ay gumagamit ng:

  • isang recruitment agency, mag-ingat sa anumang mataas na kabayaran na gusto nilang direktang singilin sa iyo. Anumang mga singil mula sa isang recruitment agency ay dapat naayon sa kanilang ibinibigay na serbisyo sa iyo.
  • isang tagapayong pang-imigrasyon, kailangan mong magbayad ng makatarungang presyo para sa kanyang mga serbisyo.

Ang Immigration New Zealand ay sisingil lamang sa iyo ng bayad para sa aplikasyon. Maaaring kailangan mong bayaran ang gastos sa pangangalap ng ebidensya para sa iyong aplikasyon, gaya ng pagkumpleto ng medikal.

Pagkuha ng prayoridad para sa aplikasyon at pag-access sa mga opisyal ng imigrasyon

Sa scam na ito, sasabihin ng iyong tagapayo, ahente, consultant o iba pang ikatlong partido na magagamit nila ang kanilang mga koneksyon para magarantiyahan ang kalalabasan o mas mabilis na desisyon.

Hindi mo kailangang gumamit ng tagapayo. Immigration New Zealand:

  • hindi uunahin ang iyong aplikasyon dahil gumamit ka ng tagapayo, at
  • dedesisyunan lamang ang mga aplikasyon sa pamamagitan ng pagtasa sa impormasyong nakasaad dito kung naaayon sa mga tuntunin ng imigrasyon.

Pagkuha ng prayoridad para sa aplikasyon at pag-access sa mga opisyal ng imigrasyon

Sa scam na ito, laging sinasabi ng iyong tagapayo, ahente, consultant o iba pang ikatlong partido na mayroon silang kaalamang galing sa loob (insider information) o access sa mga opisyal ng imigrasyon para unahin ang iyong aplikasyon.

Hindi mo kailangang gumamit ng tagapayo.

Hindi uunahin ng Immigration New Zealand ang iyong aplikasyon kung gagamit ka ng tagapayo. Ang mga tagapayo ay tutulong lamang sa iyo na maunawaan ang sistema ng imigrasyon.

Hihilinging magsinungaling ka

Labag sa batas ang magsinungaling para maging kwalipikado para sa isang trabaho o visa.

Lumalabag sa batas ang iyong tagapayo o iba pang ikatlong partido kung papayuhan ka nilang gawin ito. Palatandaan ito na maaaring labagin nila ang iba pang mga batas ng imigrasyon o pagtatrabaho.

Mahalaga na ang impormasyong iyong ibibigay ay totoo. Anumang hindi totoong mga pahayag na gagawin mo ay makakaapekto sa iyong mga aplikasyon para sa visa sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Sinabihan ka na wala kang mga minimum na karapatan sa pagtatrabaho na kapareho ng sa isang taga-New Zealand

Hindi ito totoo. Lahat sa New Zealand ay may kaparehong minimum na mga karapatan sa pagtatrabaho, kabilang ang mga migrante. Kabilang dito ang karapatan sa may-bayad na bakasyon at sick leave, at ang karapatang ireklamo ang mga hindi ligtas na mga gawi sa trabaho.

Ang mga taong nagsasabi na wala ka ng mga ito ay maaaring lumalabag sa mga batas ng imigrasyon o pagtatrabaho.

Aalukin ka ng package deal sa akomodasyon

Hindi pangkaraniwan na mayroong nakalaang akomodasyon ang isang trabaho sa New Zealand.

Sa ilang mga sitwasyon lamang nagiging malinaw ito, katulad ng pagtatrabaho sa isang farm o para sa isang tagapagbigay ng akomodasyon.

Mag-ingat sa mga 'package' na alok na may visa, trabaho at akomodasyon – maaaring tangkain ng mga scammer na singilin ka ng labis-labis na halaga para sa akomodasyon.

Ikaw ay pinangakuan ng residensya

Nagbibigay ang New Zealand ng magaling na mga oportunidad upang mag-aral at magtrabaho. Ang pansamantalang visa ay pahihintulutan kang tamasahin ang mga oportunidad na ito, ngunit walang garantiya na hahantong ito sa pagkakaroon ng residensya.

Madalas magsabi nang labis-labis ang mga scammer sa posibilidad na magkaroon ng residensya, kaya mag-ingat dahil ang mga landasin tungo sa pagkakaroon ng residensya ay nangangailangan ng partikular na mga kasanayan, karanasan, kwalipikasyon o trabaho.

Mga pangako sa kikitain sa hinaharap, pagbili ng bahay, o pag-access sa suporta ng pamahalaan

Dapat kang magpasya na lumipat dito batay sa iniaalok sa iyo, hindi sa mga pangako sa hinaharap na maaaring hindi matupad.

Karaniwan, hindi ka makakabili ng bahay o maka-access sa suportang pinansyal ng pamahalaan maliban kung ikaw ay may hawak na residence visa. Hindi ka maaaring magkaroon ng karagdagang trabaho para kumita ng karagdagang pera.

Ikaw ay sinabihan na dapat kang gumamit ng tagapayo

Hindi mo kailangang gumamit ng tagapayo para mag-aplay para sa visa. Maaaring ikaw mismo ang mag-aplay para sa visa gamit ang impormasyon sa aming website.

Kung pipiliin mong gumamit ng tagapayo, gumamit lamang ng isang lisensyado na pang-imigrasyong tagapayo (licensed immigration adviser - LIA), isang sertipikadong abogado sa New Zealand, o isang taong may ligal na kakayahang magbigay ng pang-imigrasyong payo. Maaari kang pumili ng mga LIA batay sa iyong wika, lokasyon at badyet.

Hindi ka nakakakuha ng mga update sa aplikasyon

Kung ang iyong tagapayo o ikatlong partido ay hindi nagbibigay sa iyo ng update, maaari kang pumunta sa aming website upang alamin kung gaano katagal ang pagproseso ng mga aplikasyon.

Kung ikaw ay nag-aalala dahil hindi ka tumatanggap ng impormasyon, maaari mo kaming tawagan nang direkta para beripikahin ang aplikasyon.

Mga paraan sa pagprotekta ng iyong sarili laban sa mga scam

  • Hindi mo kailangang gumamit ng tagapayo. Kung pipiliin mong gumamit ng tagapayo, gumamit lamang ng isang lisensyado na pang-imigrasyong tagapayo, isang sertipikadong abogado sa New Zealand, o isang tao na may ligal na kakayahang magbigay ng pang-imigrasyong payo.
  • Kung pipiliin mong gumamit ng tagapayo o recruitment agency, magandang ideya na tingnan ang mga presyo ng iba, para alam mong tumatanggap ka ng makatarungang presyo para sa kanilang mga serbisyo.
  • Kumpirmahin na akreditado ang iyong potensyal na tagapag-empleyo. Lahat ng mga tagapag-empleyo na kumukuha ng mga manggagawa sa ilalim ng Accredited Employer Work Visa ay dapat munang maging akreditado. Kumpirmahing ginagamit nila ang aming online tool.
  • Makipag-usap nang direkta sa iyong potensyal na tagapag-empleyo, gaya halimbawa, sa pamamagitan ng isang interbyu. Ang paglipat sa ibang bansa ay isang malaking pagpapasya, kaya maging tapat tungkol sa iyong mga kasanayan upang matiyak na angkop ka sa trabaho.
  • Kung ikaw ay may mga pagdududa, makipag-ugnay sa amin. Maaari naming ipaliwanag ang iyong mga opsyon sa visa at kung ang sinabing impormasyon sa iyo ng isang tao ay tama o totoo. Maaari ka naming bigyan ng impormasyon tungkol sa iyong aplikasyon. Kung ang iyong unang wika ay hindi Ingles, maaari ka naming ikonekta sa isang interpreter.
  • Kung kaya mo, gumawa ka ng karagdagang pananaliksik sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga tao mula sa iyong bansa na nakapaglakbay na sa New Zealand para sa kaparehong dahilan.
  • Kung ang iyong tagapag-empleyo ay naglalaan ng akomodasyon, humingi ng mga litrato at pumunta sa website ng Tenancy Services at magkumpara ng mga upa sa merkado para sa uri ng propyedad sa lugar na iyon at alamin ang iyong mga karapatan bilang isang nangungupahan.
  • Magkaroon ng kaalaman tungkol sa New Zealand, kabilang ang halaga ng pamumuhay at pagkuha ng pangkalusugang pangangalaga. Ang aming Live and Work website ay may makakatulong na impormasyon.
  • Alamin ang iyong mga karapatan sa pagtatrabaho bilang isang manggagawa sa New Zealand. Ang website ng Employment New Zealand ay may makakatulong na impormasyon sa ilang mga wika, at isang libreng learning module tungkol sa mga minimum na karapatan, responsibilidad at pag-aayos ng mga problema sa trabaho.